Sabihin mo kung gaano mo kamahal ang iyong anak,
kung paano mo maaring hagkan kanyang mga daliri’t
haplusin ang kanyang balat. Alam ko, gaya ng sabi mo,
kung paano mo inihahanda ang mga gulay na iyong ginigiling
at isinusubo sa kanya. Totoo bang hindi siya natutulog
hangga’t di mo siya isinasayaw habang siya’y nakakalong?
Nakakatuwa! Hindi ko mawari kung paano ka nagalak
noong natuto na siyang magbukas-sara ng kanyang palad
habang kinakantahan mo ng “close-open”.
Binanggit mo rin kung gaano siya kabilis
natutong magsalita, gaano kabilis natutong maglakad.
Talaga bang wala pa siyang isang taon noon?
Ahh, eh di dalawamput isang taon na pala siya ngayon!
Bakit ka nababalisa kung siya’y lumilisan? Ikaw ang nagturo
sa kanyang lumakad. Huwag, pakiusap. Huwag kang umiyak kung
naaalala mong siya’y nagsasalita’t nagpapahayag. Nagpapasalamat
lamang siya dahil natutunan na niya kung paano higpitan
ang kanyang kamao. Wala ng kantang “close-open”.
Kinailangan niyang maging matatag dahil marami
ang hindi man lamang makakain kahit na giniling na gulay.
Dapat kang matuwa dahil hindi lumaking makasarili
ang iyong anak. Dangal mo siyang anak ng maraming magulang,
kapatid ng maraming kapatid, martir ng bayan.
At itinugon niya sa akin, kung hindi na siya babalik
at kung wala ka nang mababalitaan sa kanya, tahakin mo
ang kanyang landas. Pulutin mo ang bawat niyang buto at hagkan siya.
Hindi siya mamamahinga hanggat hindi mo siya isinasayaw
sa saliw at ritmo ng mga tangis, hikbi at sigaw.


Mahusay ang pagkakasulat sa tula.
Nice job!
salamat, grade 5!