Mabigat sa katawan ang hamog ng madaling-araw lalo na’t kapag ika’y lilisan. Mas ramdam ang lamig lalo na’t ‘pag naaalala mong mag-isa ka lang pala. Maging ang kape’y halos walang lasa tulad ng mga pantasyang pilit na tinitimpla, hinahalukay hanggang tumilapon, tulad ng mga pangarap na nawawalan ng saysay habang bumibilis ang takbo ng bus, parang mga alikabok na pag dumampi sa labi’y dagling dinudura.
Pagtakbo.
P a g tata g p o.
Paghinto.
Hiwa laya n.
Ang loob ng bus ay isang eksena ng humahabang nobela ng karukhaan sa lipunan. May kwento ng pagmamadli. May kwento tungkol sa naiwang senior citizen’s ID. May kwento tungkol sa mga damit na gustong kumawala sa maletang hindi na maisara ang zipper. May kwento tungkol sa pagkamangha sa bilis ng pagmahal ng pamasahe. May kwento tungkol nitong drayber na inihinto ang bus sa isang kanto, at nag-abot ng isang libo sa tatlong batang babae na mukhang matagal-tagal ding nag-abang. May kwento tungkol sa mga balat ng itlog na nagkalat at nagpormang mapa ng Pilipinas na mukhang kayhirap buuin.
Pagtakbo.
P a g tata g p o.
Paghinto.
Hiwa laya n.
May kwento rin sa labas ng bus. At sa akin na nag-aaral sa galaw ng mga atomo, may kahulugan ang paglalayag ng mga ulap. Mahalaga maging ang paglagaslas ng mga mumunting kumpol ng tuyong lupa’t buhangin mula sa bangin, may pumaparoon, may pumaparito. Depende kung sa kanan ba o sa kaliwa nakakiling.
Bumabiyahe ako para lumisan. At habang lumilisan, ako’y umuuwi naman dahil batid kong sa bawat himpilan ay may tahanan at sa bawat tahanan, may pamilya. Kailangan kong bumaba ng bus at kasama ang pamilya’y maglalayag na parang mga ulap na sumusuyod sa kabundukan, dumausdos na parang mga kumpol ng lupa’t buhangin na pumaparoon upang harapin yaong mga pumaparito.
Hindi ito magtatagal. May susunod na namang
pagtakbo.
P a g tata g p o.
Paghinto.
Hiwa laya n.


Puno ng salamisim. Puno ng gunita. Puno ng pangarap na pinupuno ng iba’t-ibang uri ng buhay.
salamat, carl! Mabuhay ka. stp!