Naiguhit na kita noon.
Kulay kape ang iyong balintataw.
Binuhay na rin kita sa tula.
Sabi ko lampas balikat ang iyong buhok.
Naisayaw na kita sa saliw ng musika
at naipasyal sa parang ng imahinasyong
hindi marunong bumilang ng iyong mga daliri.
Masaya na ako noon dahil kaya kitang isipin.
Ngunit noong gabing huli kitang nakita,
Itim pala ang iyong balintataw.
Hanggang balikat lang pala ang iyong buhok,
sampu pala ang iyong mga daliri
at iisa lang pala ang iyong puso.
Wala ngang tadhana maging sa isang mundong
ginawa-gawa lang ng mga titik at linya
dahil magkaiba ang tadhana at ang katotohanan.
Hindi na kita maaaring bigyan ng bagong pangalan.
Sa susunod na gabing tayo’y magtatagpo,
hahayaan na lang kitang ngumiti, at mangusap.
Hayaan mo na lang din akong magnakaw ng halik.
(Makabuluhan ang buwan ng Marso sa pagkakalikha ng “emo” na tulang ito.;]])

