Kunwari’y hindi mo narinig ang kanyang pakisuyo
Na iabot ang barya niyang pamasahe sa jeep
Dahil kunwari, abala ang kanan mong kamay sa pagtitext
At ang kaliwa’y sa pagpipindot ng iyong i-pod
Dahil ayaw mong dumikit sa iyong balat
Ang malansang amoy ng baryang basa ng pawis
Dahil nandidiri ka sa nagmamantikang mukha
Niyang tinuturing mong illiterate o di kaya’y uneducated
Mahiya ka!
Naliligo ka gamit ang sabong kulang na lang ay lawayan
Ng mga manggagawang naglalaway sa gutom
Nagpapahid ka ng lotion na inalayan ng isang galon ng mantikang
Mula sa balat at laman nilang hindi man lang makapagprito
Mahiya ka!
Sino ang gusto mong tularan?
Silang mga lumulunok ng pera ng manggagawa? Nakakadiri.
Silang mga humihigop ng dugo ng mga unyonista? Mas nakakadiri.
Silang mga nakaupo lang sa inidoro buong maghapon? Eew!
At kayo, kayong mga manggagawa,
Mangwasak kayo, kayong mga kamay na lumilikha
Basagin ninyo ang bungong sisidlan ng baluktot na ideya
Kitilin ninyo ang ugat na dinadaluyan ng dugong nilason ng kapital
Dahil dito sa bayang napakamura ang bentahan ng dugo’t pawis
Dito sa bayang alipin ng pagsasamantala
Dito sa bayang nagpapanggap lamang ang umaga
Dito sa bayang api, dahil dito sa bayang nalulugmok
Makatwiran ang maghimagsik!
Hambalusin ninyo ng inyong lakas ang mga walang hiya!
April 18, 2011
8:35pm
Kidapawan City

